ORDER OF LISTING SA BALOTA NG PARTYLIST GROUPS NATAPOS NA NG COMELEC

comelec

NATAPOS na ng Commission on Elections (Comelec) ang electronic raffle para sa pagtukoy ng ‘order of listing’ sa balota ng mga partylist groups na lalahok sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Pinangunahan nina Comelec Commissioners Rowena Guanzon, Al Parreno, Antonio Kho at Luis Guia ang pagdaraos ng naturang electronic raffle, na isinagawa ganap na 10:00 ng umaga kahapon sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila.

Alinsunod sa proseso, tinatawag ang mga party list groups base sa magi­ging numero nila na ilalagay sa balota.

Nabatid na nasa 181 ang bilang ng partylist groups ang nagsumite ng aplikasyon upang lumahok sa eleksiyon at sa naturang bilang ay ang grupong Ba­yan Muna ang nakakuha ng unang puwesto o numero uno, sa balota.

Ang grupong Kasosyo Producer-Consumer Exchange Association, Inc. naman ang nakakuha ng pang­huling puwesto o pang-No. 181.

Paglilinaw naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ang natu­rang resulta ay ‘raw result’ lamang at hindi pa ‘final assignments’ ng order of appearance ng mga partylist groups sa opisyal na balota.

Ipinaliwanag ni Jimenez na mayroon kasing mga partylist groups na nabigong dumalo sa isinagawang raffle kaya’t maaari pang mabago ang order of listing.

Inaasahan namang kaagad na iaanunsiyo ng Comelec ang magiging pinal na order of listing ng partylist groups sa mga susunod na araw. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.