TAGUIG CITY – HALOS nasa 180,000 ang mga lumabag sa iba’t ibang ordinansa ang nasita ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office sa Metro Manila kaugnay sa Oplan:RODY (Rid the Streets of Drunkards and Youth).
Ayon kay NCRPO chief, Director Guillermo Eleazar hanggang kahapon ng umaga ay nasa 177,929 ang mga naitalang lumabag sa local ordinances sa Kalakhang Maynila.
Ang nasabing datos ay mula sa noong Hunyo 13 lamang hanggang kahapon alas-5:00 ng umaga ng Agosto 26, 2018.
Lumalabas sa datos na 6.6 porsiyento nito ay kumakatawan sa mga pasaway na lumalabag sa Drinking in Public Places na umakyat na sa 11,750.
Nasa 35.46 porsiyento o 63,093 ang lumabag sa smoking ban, habang 17,130 o 9.63 % ang sinita dahil sa indecent act o half naked at 16,871 o 9.48% ang mga minors ang lumabag sa curfew hours.
Habang ang mga lumabag sa iba pang mga ordinansa ay nasa 69,085 o katumbas ng 38.83%.
Sa nasabing bilang, 122,344 ang binigyan ng warning ng PNP, habang ang mga pinagmulta ay nasa 19,917.
Dagdag pa ng heneral na sa ngayon 22 na lamang ang nananatili sa kustodiya ng PNP partikular sa area ng Southern Police District (SPD).
Lumalabas naman na nangunguna ang QCPD sa dami ng mga lumabag na umaabot sa 75,610 o katumbas ng 42.49 porsiyento kasunod ng EPD na may 28.59 porsiyento o 50.869 violators na halos magkadikit sa pangatlong puwesto ang MPD at SPD.
Sa bilang ng mga violator na binigyan lamang ng babala ay nangunguna rin ang QCPD na may 66,496 kasunod ang EPD na may 25,327 violators at sinundan ng SPD – 13,057.
Nangunguna ang EPD sa mga pinagmulta na may 25,529 sinundan ito ng SPD na may 5,094 at NPD na may 4,746 fined violators habang zero naman sa lungsod ng Maynila subalit ito ang nakapag tala ng may pinakamaraming kaso na isinampa na umaabot sa 10,550.
Sa mga kinasuhan, zero ang NPD; 13 ang EPD; 539 ang SPD; habang may 8,815 naman ang QCPD. VERLIN RUIZ