ORDINANSA NA KAKASTIGO SA MAGBEBENTA NG COVID VACCINATION SLOT ISINULONG

NAIS ng Pamahalaang Panlunsod ng Pasay na maipasa ang ordinansa na magpaparusa sa mga magbebenta ng coronavirus disease (COVID-19) vaccines at nag-aalok ng vaccination slots sa lungsod.

Ang pakiusap ay nakarating na sa City Council tungkol sa agarang pagpasa ng naturang ordinansa sa lungsod ay bunsod sa panawagan ng Malacanang upang magkaroon ng legal basis na maparusahan ang mga nasa likod ng iskema sa pagbebenta ng COVID-19 vaccines pati na rin ang pag-aalok ng slots sa mga vaccination sites.

Sinabi ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang pagbebenta ng vaccines ay ipinagbabawal na hindi tumutugma sa polisiya ng gobyerno para masiguro ang parehas na distribusyon ng vaccines.
Sa ngayon ay wala pa namang naiuulat na reklamo tungkol sa usaping ito at nakapagpalabas na rin ang mayora ng pagpapaalala sa mga residente sa lungsod na agad na i-report sa COVID-19 hotline numbers kapag may naulinigan silang indibidwal o grupo na nagsasagawa ng ilegal na aktibidad na ito.

Matatandaan na unang napaulat ang pagbebenta ng COVID-19 vaccines pati na rin ang pag-aalok ng slots sa mga lungsod ng Mandaluyong, San Juan at Parañaque.

Samantala, nauna nang inihayag ni Paranaque City Mayor at Metro Manila Council (MMC) chairman Edwin L. Olivarez ang pagpupulong ng mga metro mayors para sa pagpapalabas ng isang uniform ordinance sa pagbibigay ng parusa sa mga nasasangkot sa ilegal na aktibidad na ito. Marivic Fernandez

5 thoughts on “ORDINANSA NA KAKASTIGO SA MAGBEBENTA NG COVID VACCINATION SLOT ISINULONG”

Comments are closed.