ISA nang krimen sa Las Piñas ang sinumang mangha-harass sa health workers, frontliners at mga nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) kung saan ang mga lalabag dito ay mapapatawan ng parusang pagkabilanggo o pagmumultahin ng malaki.
Ayon kay Mayor Imelda T. Aguilar, ang City Ordinance No. 1685-20 na inaprubahan ng konseho ay nagbabawal ng cyber-bullying o dili kaya ay mga aksiyon na magbibigay ng kahihiyan o stigma sa mga taong kumpirmadong may COVID-19, sa kanilang mga nakasalamuha, gayundin ang patients under investigation (PUI), persons under monitoring (PUM), health at hospital workers at frontliners.
Ipinaliwanag ni Aguilar na ang cyber-bullying ay maaaring maisagawa sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis, hindi beripikadong impor-masyon o komunikasyon na gamit ang electronics o social media, o iba pang kahalintulad na pamamaraan na magbibigay ng kakaibang takot, panic o paglabag sa karapatan ng isang pasyente ng COVID-19 o frontliners.
Dagdag pa ni Aguilar, ang sinumang mapatunayan na lumabag sa ordinansang ito ay maaaring maharap sa pagkabilanggo ng hindi hihigit sa anim na buwan o 30 araw na community service, o multang P5,000, at/o parehong multa at pagkakabilanggo.
Ang pinakamataas na penalty ay ipagkakaloob kung ang isang lumabag sa ordinansang ito ay isang pampublikong opisyal, bukod pa sa kasong administratibo na kakaharapin ng opisyal na ito na kumukunsinte o hindi gumagawa ng aksiyon upang mapigilan ang anumang uri ng diskriminasyon.
Ang naturang ordinansa na “Prohibiting Any Person from Committing any Act of Discrimination, Harassment, Violence, Cyber-bullying or any other act causing Stigma, Shame, Dishonor or Humiliation against confirmed COVID-19 infected persons, Close Contancts, PUI, PUM, Health Workers, Hospital Employees, and other Frontliners and Imposing Appropriate Penalties” ay iminungkahi ng halos lahat ng miyembro ng Sangguniang Panglungsod sa isang espesyal na sesyon na ipinatawag ni Vice Mayor at Council Presiding Officer April Aguilar. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.