DAGDAG na suporta sa Filipino organic farmers ang dapat na ibigay ng gobyerno upang matiyak na masusustina ang pangangailangan ng sektor. Ito ay upang masigurong malinis, ligtas sa kalusugan ang mga ani at di magkaka-aberya ang industriya ng agrikultura.
Ayon kay Senador Sonny Angara, kailangang palakasin ng pamahalaan ang suporta nito sa mga mga magsasakang hindi gumagamit ng iba’t ibang kemikal sa pananim. Maaari aniyang pangunahan ng gobyerno ang promosyon sa kanilang mga produkto na pawang organic.
Ginawang halimbawa ni Angara na muling tumatakbong senador sa ilalim ng platapormang Alagang Angara ang nangyayari sa Koronadal City. Layunin ngayon ng lungosd na maging kauna-unahang organic agriculture city sa Soccsksargen region.
Ipinatutupad ng lungsod ang pagbibigay ng iba’t ibang insentibo sa mga producer ng organic products upang mahikayat ang iba pang magsasaka na iwasan ang paggamit ng kemikal sa kanilang mga pananim.
Sa ilalim ng naturang programa, nakatatanggap ng cash incentives ang organic producers, na ayon kay Angara ay kailangang maipatupad na rin sa buong bansa upang marami ang mahimok na pasukin na ang organic farming.
“Suportado po natin ang organic agriculture dahil batid naman natin ang magandang dulot nito sa kalikasan at sa mamamayan,” anang senador.
Binigyang-diin ni Angara na mainam na kabuhayan ang organic farming para sa mga nasa sektor agrikultura na aniya’y bumubuo sa 60 porsyento ng kabuuang bilang ng pinakamahihirap sa bansa.
“Hanggang ngayon, hirap na hirap ang ating mga magsasaka at mangingisda na umarangkada sa kanilang kabuhayan dahil sa kakulangan ng support facilities. Kabilang dito ang farm-to-market roads, irrigation networks, post-harvest facilities, fishing ports at access to credit,” ani Angara.
Sinabi pa ni Angara na kung mapalalakas ang organic farming, makasisiguro ang publiko na mas ligtas na pagkain ang kanilang makokonsumo, kumpara sa mga ani na protektado man sa peste ay nababalot naman ng mga kemikal o pesticide.
“Sa madaling salita, ang organic farming ay hindi lamang mabuti sa kapaligiran, tinitiyak din nitong mas masustansya ang ating pagkain,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.