ORGANIC PAKBET FARM SA BATANGAS

KILALA sa buong mundo ang husay ng mga Pilipino.

Kaya nating makipagsabayan sa anumang larangan. Katunayan, umaangkat na ang maraming bansa ng mga produkto mula sa Pilipinas.

Malaki raw ang kinikita ng bansa sa eksportasyon. Ang problema, malaki rin naman ang nalulugi sa atin dulot ng illegal importation.

Ang labis na naaapektuhan ng pamumutiktik ng imported products tulad ng carrots, luya, repolyo, broccoli, cauliflower, at iba pa sa mga palengke sa Metro Manila ay ang mga lokal na magsasaka at maggugulay.

Lagi silang kabado dahil kung magpapatuloy ang pagdagsa ng mga puslit na gulay mula sa China ay lalong malulugmok ang kanilang kabuhayan.

Hindi pa man daw nakakabangon ang vegetable farmers sa mga probinsya ay nanganganib na naman ang kanilang kabuhayan dulot ng pagdami ng imported vegetables.

Mas magiging mahirap daw ang sitwasyon ngayong papalapit na ang Pasko. Ito pa naman ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay.

Well, gumagawa naman daw ng hakbang ang Department of Agriculture (DA) sa problema ng mga maggugulay at magsasaka. Maging ang DA ay nagtataka rin daw.

Wala naman daw silang importasyon ng gulay pero dagsa ang mga ito sa mga pamilihan. May mga sinalakay na ring bodega at mga nakumpiskang gulay.

Ang nakapagtataka, wala pa raw nakakasuhan na importers at consignees. Dapat din daw sitahin ng gobyerno ang Bureau of Customs (BOC) sapagkat sakop nila ito.

Gayunman, naniniwala naman ako na hindi binabalewala ng administrasyon ang mga ganitong problema.

Si Pangulong Rodrigo Duterte ay kilalang may malasakit sa mga magsasaka, agri-communities at Filipino food industry.

Noong 2018 nga, idineklara ng Presidente ang Abril bilang “Buwan ng Kalutong Pilipino” o Filipino Food Month.

Layunin ng Proclamation No. 469 na maitaguyod at maisulong ang malawak na culinary tradition ng bansa.

Sa ganitong paraan nga naman daw ay maipapasa sa mga susunod na henerasyon ang tradisyon sa pagluluto at pagbibigay din ng suporta sa mga nasabing sektor.

Nakasaad sa proklamasyon na dapat pangunahan ng DA at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang selebrasyon.

Ngayong panahon ng pandemya, mahalagang hainan daw ang ating pamilya ng sari-saring masustansiya at malinis na pagkain.

Madalas ding ipinanawagan ng Department of Health (DOH) sa publiko na dapat linangin natin ang husay sa pagluluto sa pamamagitan ng paghalo-halo ng iba’t ibang abot-kaya at masustansyang mga gulay tulad ng kalabasa, kangkong, spinach, sayote, malunggay, at talbos ng kamote.

Marami naman daw aklat ng lutuing Pilipino para sa mga simple at masusustansiyang pagkain gamit ang mga katutubong gulay.

Sa gitna ng kasalukuyang krisis, ipinapamalas din naman ng Department of Agrarian Reform (DAR) at iba pang mga kinauukulang ahensya ang suporta sa mga magsasaka.

Tulad na lamang ng organic vegetable techno-demo farm sa Barangay Guinhawa, Tuy, Batangas.

Nagsimula na raw mag-harvest ang mga miyembro ng Guinhawa Farmers Association ng iba’t ibang gulay kasunod ng harvest festival doon.

Ayon kay DAR-Batangas Provincial Agrarian Reform Program Officer I Ma. Gemma Esguerra, ang 1,000 sq.m. techno-demo farm ng organic pakbet farm ay itinatag ng grupo sa tulong ng DAR Batangas at Advent Agri-Enterprise and Consultancy Services, ang professional service provider sa ilalim ng Sustainable Livelihood for Disaster Affected Areas of Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP).

Ang pakbet ay isang kilalang Filipino dish o ulam na sinasangkapan ng iba’t ibang gulay tulad ng kalabasa, ampalaya, okra, string beans, at talong.

Nakatutulong ang proyektong ito ng CRFPSP upang lumakas ang ani ng mga magsasaka at kumita ang mga ito. Ibinida raw sa techno-demo farm ang climate-resilient variety ng “pakbet” vegetables at nakatutulong sa mga benepisyaryo upang matuto at makinabang sa organic farming technology.

Ang maganda pa rito, kung gusto mong bumili ng gulay sa techno farm ay puwede ring ikaw mismo ang mamitas o magha-harvest bago mo ito bayaran sa mga magsasaka.

Dati raw ay plantasyon ito ng tubo o sugarcane pero ginawa na itong gulayan na magandang oportunidad din naman para sa mga benepisyaryo sa Brgy. Guinhawa.

Tatlong buwan lang daw ang hinintay ng mga magsasaka ay nakapag-harvest na ang mga ito ng organic pakbet vegetables sa techno-demo farm.

Maganda ang proyektong ito ng DAR at mas maganda rin sana kung ikakalat nila ito sa iba’t ibang panig ng bansa.

Dapat ay hindi rin nakatuon sa iisang ulam o pakbet ang programa dahil magsasawa rin naman ang mga tao kung paulit-ulit ang mga putaheng ilalaman nila sa kanilang mga sikmura.

Mas maigi kasi ang sari-saring halamang-ugat gaya ng kamote at kamoteng kahoy, prutas gaya ng saging, mangga, abokado, papaya, at bayabas ngayong panahon ng pandemya.

Nariyan din ang mga alternatibong pagkaing mayaman sa protina gaya ng monggo, toge, bataw, spinach, itlog, at mani. Makapagbibigay ang mga ito ng nutrisyon na kailangan ng ating katawan sa araw-araw.

Sa palagay ko, dapat ding maghanap ng mga recipe na gamit ang mga madaling makuhang pagkain bilang sangkap.

At bagama’t nakapagbibigay ng mahahalagang benepisyong pangkalusugan ang iba’t ibang gulay, kailangan din nating matiyak ang kalinisan ng mga ito.