DAPAT buhayin ang organized bus route system upang malutas ang lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila, ayon kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman at ngayo’y Marikina Rep. Bayani Fernando.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Fernando na naniniwala siya na ang organized bus route system, na kanyang pinasimulan noong siya pa ang chairman ng MMDA, ang siya pa ring solusyon upang maibsan ang trapik sa EDSA.
“Ako’y naniniwala na ‘yung sinimulan namin noong ako’y chairman pa, na noong iwan ko naman diyan ay tumatakbo na ‘yun, ay ‘yun pa rin ang ating solusyon pagdating sa EDSA, ‘yun ‘yung organized bus route,” ani Fernando.
“Makikita pa ninyo ‘yung mga yellow lane, pero maraming lugar ang burado na. Ganoon napabayaan ‘yung sistema na ‘yun. Buhayin natin ‘yun,” dagdag pa ng kongresista.
Ilang mambabatas ang nagpanukala ng mga hakbang para matugunan ang problema sa trapiko sa EDSA, kabilang si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento na nagmungkahing gawing express bus lanes ang innermost lanes ng EDSA na maaaring i-access sa mga istasyon ng Metro Rail Transit 3.
Naging kontrobersiyal naman ang panukala ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hour upang bigyang-daan ang mga commuting public.
Iminungkahi rin ni Fernando ang paglalagay ng mga bakod sa EDSA upang hindi matukso ang mga bus na magbaba ng mga pasahero saan man nila gusto.
“’Yun ay bakod para sa pasahero, para huwag lumabas ‘yung pasahero sa third lane, dahil ‘yung third lane doon ang provincial buses na hindi dapat magsakay at baba sa EDSA. Pero kung may tao roon, siyempre magbabakasakali ‘yung bus na papuntang probinsiya, sayang, titigil ‘yun dun, pero hindi dapat,” aniya.
Isa pa aniyang solusyon sa EDSA traffic ay ang tamang bus dispatching system.
Comments are closed.