ISASAPUBLIKO ng Simbahang Katolika ang isang orihinal na mural kung saan makikita ang unang pagbibinyag sa Filipinas bilang isang Kristiyanong bansa.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) vice president Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ito ay isang orihinal na mural o malaking painting ng binyag ni King Humabon at Reyna Juana o Reyna Humamay, noong Abril 14, 1521.
Nabatid na ang naturang larawan ay hindi sinasadyang natagpuan sa lumang tanggapan ng CBCP sa Maynila.
Sinabi ni David na ipina-authenticate na nila ang painting at idineklara itong authentic ng anak ni Fernando Amorsolo, o orihinal na likha ng national artist.
“By the way, this coming celebration, 500 years of Christianity unveil para makita ng mga tao,” ayon kay David, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
“Ang naka-paint doon is the baptism of King Humabon at Reyna Juana, actually ang original name ni Juana ay Reyna Hu-mamay,” aniya.
Nabatid na isang imahe rin ng Santo Niño ang naging regalo ni Magellan sa mag-asawa na siyang simula ng pananampalataya kay Hesus sa pamamagitan ng imahe ng kanyang kabataan at ang debosyon ng mga Filipino sa Niño Jesus.
Ang debosyon ng Santo Niño ay isang popular na debosyon ng mga Filipino na taunang ipinagdiriwang lalu na sa Visayas re-gion.
Sa taong 2021, ipagdiriwang ng simbahang Katolika sa Filipinas ang ika-5 sentenaryo ng pananampalataya kung saan siyam na taon ang ginawang paghahanda ng simbahan para sa malaking pagdiriwang.
Kabilang na dito ang pagdiriwang kada taon na may paksa sa iba’t ibang sektor ng simbahan at ngayong taon ipinagdiriwang ang Year of the Youth. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.