WINARNINGAN ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga pagamutan na tatanggi sa mga pasyenteng kokonsulta sa kanila dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Duque, ang pagtanggi sa mga pasyente ay isang paglabag sa nilagdaang Performance Commitment.
Tiniyak din niya na ang sinumang mapatutunayang lumabag dito ay pananagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“All Levels 2 and 3 hospitals are reminded to not refuse patients suspected or diagnosed with COVID-19,” ani Duque.
“Refusal to provide care to said patients shall be considered a violation of the signed Performance Commitment and shall be dealt with by the PhilHealth accordingly,”dagdag pa nito.
Samantala, pinayuhan rin naman ni Duque ang mga pagamutang ito na magtakda ng mga triage area para sa screening ng mga suspected COVID-19 patient.
Aniya, maaaring mag-accommodate ang mga Levels 2 at 3 hospitals ng COVID-19 patients na may mild symptoms lamang.
Ililipat naman kaagad ang mga ito sa mga referral hospital kung ang kanilang kondisyon ay lumala at maging kritikal.
Kabilang sa naturang referral hospitals ay ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM), Lung Center of the Philippines, at San Lazaro Hospital.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Duque ang publiko na huwag iwasan ang mga pagamutang may mga COVID-19 patients dahil sa tiniyak na ang mga ito ay mayroon namang mga ipinatutupad na infectious prevention at control practice. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.