MAGKASUNOD na inaprubahan ng tatlong House panels ang panukalang batas na nagtatakda ng pagtatayo ng ospital para sa overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga dependent.
Inaprubahan ng House Committee on Health, kasama ang Committee on Appropriations, noong Lunes ang House Bill 9194 na inakda ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, habang pinagtibay ng House Committee on Ways and Means ang tax provision ng bill noong Martes.
Sa ilalim ng panukala, isang ospital na tatawaging OFW Hospital ang itatayo para tugunan ang health care needs ng Filipino migrant workers at kanilang mga pamilya.
Ang nasabing ospital ay nasa ilalim ng full administrative at technical supervision ng Department of Health (DOH) at magsisilbing primary referral hospital para sa repatriated OFWs na nangangailangan ng medical assistance at support.
Bukod sa pagkakaloob ng comprehensive health care services sa mga OFW at kanilang legal dependents, ang ospital ay may mandato rin na magsagawa ng medical examinations upang matiyak na ang OFWs ay may sapat na kakayahan na magtrabaho sa ibang bansa.
“The hospital is also tasked to set up systems that will monitor the condition of patients and to produce relevant health information and data for policy formulation,” nakasaad pa sa panukalang batas.
Sinabi ni Arroyo na isinulong ng Kamara ang naturang panukala makaraang ipanawagan ni Presidente Rodrigo Duterte ang pro-worker bills sa selebrasyon ng Labor Day noong Mayo 1.
“You remember I sent a letter to Senate… this is not one of them. This is an additional bill, because he (Duterte) asked for a bill for workers during Labor Day, so it’s best effort,” ani Arroyo.
“Definitely if we don’t get to pass it, this particular 17th Congress, I will ask our allies to refile it,” dagdag pa niya.
Comments are closed.