OSPITAL PINARERESPONDE  VS MENINGOCOCCEMIA

meningococcemia

BULACAN – INATASAN ni Bulacan Gob. Daniel R. Fernando ang mga ospital sa lalawigan lalo na ang mga pampublikong pagamutan sa agarang pagresponde at tamang pagsuri sa sakit ng mga pas­yenteng may nakahahawang sakit upang hindi maging sanhi ng alarma sa publiko.

Kagyat na tinawag ni Fernando ang atensiyon ng mga pinuno ng ospital sa Bulacan matapos makatanggap ng ulat hinggil sa hinihinalang kaso ng Meningococcemia sa Bustos Community Hospital noong nakaraang linggo.

Ayon kay Dr. Angelito Trinidad, pinuno ng Baliuag District Hospital, matapos mailipat sa kanila ang pasyente noong Miyerkoles, agad nilang inihiwalay ng kuwarto ang 54 taong gulang na lalaki mula sa Bustos, Bulacan.

Dahil hinihinalang may Meningococcemia ang pasyente, mabilis silang nakipag-ugnayan sa San Lazaro Hospital sa Maynila at nailipat doon ang lalaki noong Miyerkoles ngunit namatay rin noong Lunes ng sumunod na linggo.

Matapos ang mga pagsusuri sa San Lazaro, lumabas sa resulta na ito ay negatibo mula sa Meningococcemia na marahil umano ay dahil sa ibinigay na antibiotic sa pasyente. Pinaghihinalaan pa ring sanhi ng meningococcemia ang pagkamatay nito.

Nilinaw rin niya na normal ang operas­yon sa lahat ng pampublikong ospital sa lalawigan at handang maglingkod sa publiko anumang oras kung kaya naman walang dapat ipag-alala ang mga mamamayan.

Ang Meningococcemia ayon sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan ay isang sakit na may bacteria na Neisseria Meningitides na naisasalin sa pamamagitan ng paghalik, talsik ng laway ng taong umubo na may sakit nito at paggamit sa mga gamit ng taong mayroon nito na nagpapakita ng mga sintomas na lagnat, ubo, sakit ng ulo, pagkapagod, pagsusuka, at mga pantal na maaa­ring maging sanhi ng pagkamatay.

Binigyang diin dito na ang maagang pagkatuklas ng pagkakaroon ng impeksiyon ng meningococcal ng pasyente at pagbibigay ng tamang lunas ay maaaring magpataas ng tiyansa na makaligtas ito. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.