IDINEKLARA ng Department of Health na dumami pa ang mga lugar sa bansa na may outbreak ng tigdas.
Ito’y matapos na makapagtala ng pagdami pa ng mga kaso ng naturang sakit doon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, idineklara na ang outbreak sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas at Quezon) na nakapagtala ng 575 kaso ng sakit at siyam na patay; Central Luzon (192 kaso at 4 patay); Western Visayas (104 kaso at 3 patay); at Central Visayas (71 kaso at 1 patay).
“The Department of Health (DOH) is raising once again today (Huwebes) the red flag for measles in other regions of Luzon, Central and Eastern Visayas, aside from yesterday’s declaration in National Capital Region,” anunsiyo pa ni Duque, sa isang pulong balitaan.
Matatandaang una nang nagdeklara ang DOH ng outbreak sa tigdas sa Metro Manila nitong Miyerkoles matapos na makapagtala ng 441 kaso ng sakit, na may limang patay, o 1% fatality rate, o pagtaas ng 1,125% increase mula sa 36 kaso lamang noong 2018.
Gayunman, nadagdagan pa ang mga rehiyon na idineklarang may measles outbreak kahapon dahil sa pagtaas din ng mga kaso ng sakit doon.
“We are expanding the outbreak from Metro Manila to the other regions as cases have increased in the past weeks and to strengthen surveillance of new cases and alert mothers and caregivers to be more vigilant,” ani Duque.
Bukod sa mga naturang rehiyon, masusi na ring mino-monitor ang mga rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Masbate, Romblon at Palawan), Ilocos, Northern Mindanao, Eastern Visayas, at Soccsksargen matapos na makitaan ng increasing trend ng bilang ng mga kaso ng tigdas, simula noong Enero 26, 2019.
“As of 26 January, 2019, the DOH-Epidemiology Bureau reported that the number of measles cases in other regions, namely Ilocos Region, Caga-yan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa and Bicol region, has shown an increasing trend (of cases),” ani Duque.
Sa Mimaropa ay nakapagtala ng 3,400% pagtaas kumpara sa dalawang kaso lamang noong 2018; sa Region 1 (Ilocos Region) ay may 64 kaso at dalawang patay (CFR 3%) o 220% increase kumpara noong 2018; sa Region 10 (Northern Mindanao) ay mayroong 60 cases na walang patay, o 4% pagbaba kumpara sa 63 kaso noong 2018; sa Region 8 (Eastern Visayas) ay mayroong 54 kaso at isang patay (2% CFR) o 5,300% increase kumpara sa isang kaso noong 2018); habang sa Region 12 (Soccsksargen) ay mayroong 43 kaso na walang patay at 34% decrease kumpara sa 66 cases noong 2018).
Kaugnay nito, isinisisi naman ng kalihim sa pagbaba ng measles immunization coverage ang pagdami ng mga batang tinatamaan ng sakit.
Gayunman, tiniyak niya na ginagawa na ng DOH ang lahat upang masolusyunan ang naturang problema ng bansa sa pagkalat ng tigdas.
Ayon sa kalihim, naglunsad na sila ng ‘house-to-house vaccination programs’ laban sa tigdas para sa mga batang hindi pinabakunahan ng kanilang mga magulang.
Sa ilalim ng programa, susuyurin ng mga health worker ang mga bahay-bahay upang maabot ang 2.78 milyong target na mabakunahan ngayong 2019.
Muli rin namang hinikayat ni Duque ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiiwas sila sa nakamamatay na tigdas.
Pinaalalahanan pa ni Duque ang mga magulang na sakaling makitaan ng mga sintomas ng tigdas ang mga bata, gaya ng mataas na lagnat, ubo, pa-mumula ng mata, rashes at iba pa, ay kaagad na itong dalhin sa doktor upang malunasan, nang hindi na magkaroon pa ng kumplikasyon na pneumonia, na siyang nagiging sanhi ng kamatayan nito.
Inamin ni Sec. Duque na nahihirapan silang kumbinsihin ang mga magulang ng mga bata na pabakunahan ng anti-measles ang kanilang mga anak dahil na rin sa idinulot na pangamba matapos ang Dengvaxia incident noong 2017. ANA ROSARIO HERNANDEZ
IBAYONG KAMPANYA SA PAGPAPABAKUNA, UTOS NI DUTERTE
INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Health (DOH) na pag-ibayuhin ang kampanya ng pamahalaan kaugnay sa immun-ization program para sa mga bata.
Ang kautusan ay ginawa ng Pangulo sa isinagawang 34th cabinet meeting nitong Miyerkoles ng gabi sa Malakanyang sa harap ng tumataas na kaso ng pagkamatay dulot ng tigdas.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay mismong si Pangulong Duterte ang humikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak para sa kanilang kalusugan at makaiwas sa anumang sakit.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinag-utos din ni Pangulong Duterte kay Duque na magpatupad ng mga paraan upang mapawi ang pangamba ng mga magulang sa mga vaccine program ng pamahalaan sa pamamagitan ng mas pinaigting na information dissemination at mga positibong epekto ng bakuna sa kalusugan ng mga tao. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.