KINUMPIRMA kahapon ng Department of Health (DOH) na mayroon nang measles outbreak sa Metro Manila matapos na makapagtala ng pagtaas ng bilang ng naturang sakit sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, na ang pagkakaroon ng isa hanggang tatlong kaso ng tigdas sa isang lugar ay itinuturing na nilang outbreak.
“Siyempre talagang may outbreak na tayo; talagang outbreak na ‘yan. In fact, sa measles nga, technically, isang kaso hanggang tatlong kaso ay out-break na,” ayon kay Duque.
Aniya, mula Enero 1 hanggang Pebrero 1 ngayong taon lamang, ay umabot na sa 47 ang bilang ng mga batang nasawi dahil sa tigdas sa Metro Ma-nila pa lamang.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi ito nangangahulugan na ang naturang mga nasawi sa tigdas ay pawang taga-Metro Manila lang.
Aniya, maaari kasing mga taga-lalawigan ang iba sa kanila ngunit nang malamang may tigdas ang mga ito ay isinugod sa San Lazaro Hospital sa Maynila upang doon ipagamot.
Lumilitaw rin na karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pneumonia, na kumplikasyon ng tigdas.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Duque sa mga magulang na huwag nang hintaying magkasakit pa ang kanilang mga anak at sa halip ay paba-kunahan na laban sa tigdas.
Binigyang-diin ni Duque na libre lamang naman ang pagpapabakuna laban sa tigdas kaya hindi na dapat pang mag-atubili ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak.
“Yung ibang mga magulang na nakakausap ko, ang sabi ay hihintayin na lang muna nila na magkalagnat na bago dalhin sa ospital ang kanilang mga anak. Nagkakamali po kayo diyan, dahil kapag dinala n’yo sa ospital ‘yan na may sakit na, unang-una baka grabe na. Hindi n’yo na makikita ang kump-likasyon ng broncho pneumonia na siyang nakamamatay,” ani Duque.
“Ako po ay nananawagan sa ating mga magulang na ang measles po ay madali pong maiwasan ito sa pamamagitan po ng pagbabakuna. Huwag po nating hintayin na magkaroon ng tigdas ang inyo pong anak dahil baka maging huli na ang lahat,” ayon pa sa kalihim.
“Kaniya nga po kinakailangang dalhin sila sa pinakamalapit po na health center ang ating mga anak, sanggol, at magpabakuna sa takdang panahon,” dagdag pa ng kalihim. “Magpalista na po kayo sa lalong madaling panahon dahil ang pagsisisi po ay nasa bandang huli. Huwag na po nating hintayin na ang mga kaawa-awang mga bata ay pumapanaw dahil sa isang sakit na madali naman pong maiwasan.”
Samantala, sa panig naman ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, sinabi nito na nakaaalarma na ang pagdami ng mga batang nagkakasakit ng measles sa bansa, matapos na umakyat sa 21,000 ang kaso ng tigdas noong 2018, mula sa dating 4,000 kaso lamang noong 2017.
Nanawagan din siya sa mga magulang na huwag mag-atubiling pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa naturang sakit.
“This is really a bit alarming. We really need to intensify, catch up with our vaccination levels here in the Philippines,” ani Domingo.
Babala pa niya, posibleng tumaas pa ang measles cases sa peak season nito sa pagitan ng Marso at Abril, kaya’t dapat ngayong buwang ito ay dapat nang pabakunahan ang mga bata.
“Nakatatakot po na tumaas pa lalo kaya itong buwan po sana pabakunahan na,” babala pa ni Domingo. “Napakadali pong makahawa ng tigdas… Kung maraming bata po ang hindi protektado ng bakuna, once nagkaroon ng 1, 2 kaso, talaga pong kumakalat po ito nang mabilis.” ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.