OUTFIT IDEAS NA SWAK SUOTIN SA OPISINA

OUTFIT IDEAS-2

(Ni CT SARIGUMBA)

WALANG maisuot, iyan ang bukambibig ng karamihan sa mga kababaihan. Pero kapag tiningnan mo naman ang closet, sandamakmak na damit ang laman niyon.

Kung iisipin nga naman natin, natural na iyong sabihin ng isang babae na wala siyang masuot kahit pa halos lumuwa na ang closet niya sa rami ng lamang damit o outfit. May mga panahon din kasing kahit na marami tayong maisusuot, wala naman tayong gustong suotin.

Kung araw-araw rin kasi tayong umaalis ng bahay at nagtatrabaho sa opisina, talaga namang mauubusan tayo ng ideya kahit pa napakarami nating puwedeng pagpilian.

Mahirap nga naman ang mag-isip ng outfit lalo na kung gusto nating maging komportable at stylish. Bukod pa sa pagiging stylish at komportable, kailangang masiguro rin nating swak sa panlasa ng HR ang ating isusuot.

At para maging comfy at aprubado ng HR, narito ang ilan sa outfit ideas na puwedeng subukan o isaa-lang-alang:

SHIRT NA MAY BUTONES, KUWELYO O RUFFLES

Mahilig ang maraming kababaihan sa pagsusuot ng mga sleevelss o walang mang­gas na damit. Kapag mainit nga naman ang panahon, gustong-gusto natin ang ganitong uri o klase ng damit para nga naman maging komportable ang ating pakiramdam.

Gayunpaman, may iba’t ibang klase ng sleeveless na puwede nating pagpilian lalo na kung susuotin natin ito sa opisina. Halimbawa ay plano mong magsuot ng sleeveless na tops, piliin lang ang may butones, kuwelyo o ruffles dahil nakapagbibigay ito ng pagiging elegante at pormal sa isang damit.

O kaya naman, gamiting pandagdag-ganda ng suot na sleeveless ang scarf o cardigan.

DRESSES AT SKIRTS

Hindi nga naman nawawala sa opisina ang pagsusuot ng dress at skirts.

Dress nga naman ang isa sa masasabing napakadaling suotin at sobrang komportable pa. Swak nga naman itong ternuhan ng heels o flat.

Samantalang ang skirt naman, kahit na anong klaseng tops ay babagay rito. Gayundin ang lahat ng klase ng sapatos at sandals.

Kung mas nais panatilihin ang formal na style, magsuot ng solid colors. Kung gusto naman ng mas casual na look, maaari namang subukan ang summery prints.

Safe rin ang pagsusuot ng mga may neutral na kulay tulad ng itim, puti, brown o beige.

PANTS

Kung ikaw naman ang klase ng tao o babaeng mas komportable kapag suot ang pantalon o pants.

Bagay na bagay naman ang mga fun pattern na pants ang puting blouse. Puwede rin itong paresan ng high heels o flats.

Uso na rin ngayon ang pagsusuot ng ripped pants na pinaresan ng high heels at blazer.

BREATHABLE FABRICS

Piliin din ang damit na breathable fabrics para maging presko at komportable. Sa pagbiyahe pa nga lang naman, paniguradong pagpapawisan na tayo.

Hindi rin naman lahat ng nag-oopisina ay may sariling sasakyan.

At kung mainit sa katawan ang usot na damit, tiyak na hindi pa kayo nakararating sa opisina ay mainit na rin ang inyong ulo.

Kaya para iwas init ng ulo, piliin ang mga breathable fabric na klase ng damit o outfit.

COTTON SUITS

Sa mga required naman ang pagsusuot ng suit, swak naman subukan ang cotton suit nang maging komportable sa pagtatrabaho.

Para naman mapanatili ang pagiging propesyunal, mainam namang piliin ang mga kulay gaya ng light gray at khaki.

Pero depende pa rin ito sa panlasa o pakiramdam ng magsusuot. Kahit na ano namang kulay ay maaaring subukan basta’t ang importante, komportable.

KOMPORTABLENG FOOTWEAR

Napakaimportante rin na komportable ang suot nating sapatos lalo na kung nasa opisina tayo at mara­ming kailangang ayusin o tapusin.

Kadalasan nang sinusuot ng marami ang comfy nude wedge dahil bagay na bagay ito sa kahit na anong panahon at pagkakataon.

Babagay rin sa lahat ng style ng damit o outfit ang pumps na nude ang kulay.

Pumili ng hindi masyado mataas ang takong upang maging komportable pa rin sa pagkilos at pagtatrabaho.

PLAYFUL YET FORMAL LOOK

Hindi lang din naman mga kababaihan ang dapat na maging mapili o mausisa sa susuoting damit sa opisina o kapag may okasyon kundi maging ang mga kalalakihan.

Siyempre, kailangan ding maging presko, presentable at nababagay sa corporate environment ang isusuot ng bawat kalalakihan.

Puwede nilang subukan ang playful yet formal look. Kumabaga, mag-eksperimento sa kulay at pattern. Ang chalky colors, pink, blue, yellow at lilac ay bagay ipares sa textured neutral tie at jacket. Maganda ring subukan ang printed shirts, tulad ng plaid at polka dots na gawa sa lightweight materials gaya ng cotton. Maaari rin namang i -roll up ang sleeves para sa mas relax at komportableng pakiramdam.

Sa totoo lang, kahit na anong klase ng damit ay puwede nating subukan basta’t komportable lang tayo kapag suot ito at hindi ito kabastos-bastos.

Alam naman nating matatalas ang mga mata sa ating paligid na maaaring manghusga sa kung anong klase o style ng damit ang ating isinusuot.

Kaya’t maging maingat din tayo sa pagpili ng ating kahihiligang outfit dahil nagkalat ang mga mata at bibig na mapanghusga.