Outpatient mental health benefits package, inilunsad ng PhilHealth

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bagong benepisyo nito para sa outpatient mental health package kasabay ng paglulunsad ng 2024-2028 Strategic Framework ng Philippine Council for Mental Health kamailan.

Kasabay nito ang pakikipagkasundo ng PhilHealth na pinangunahan ni PhilHealth Vice President for NCR Dr. Bernadette Lico at Dr. Noel Reyes ang hepe ng National Center for Mental Health upang maipatupad ang nasabing benefit.

Ayon sa Republic Act No. 11036, o ang Mental Health Act, ang batas na sumasaklaw sa paggagamot sa mga taong may sakit sa pag-iisip, tungkulin ng PhilHealth na magbigay ng mga benepisyo para sa mga Filipino na mangangailangan ng mental health services.

“Ang PhilHealth ay magpapatupad ng progresibong mental health package na magbibigay sa mga miyembro pati na sa kanilang dependents, ng mga benepisyong tutugon at makasisigurong mayroon silang financial risk protection habang sila ay nagpapagaling sa anxiety at depresyon.”, pahayag ni Emmanuel R. Ledesma, Jr, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.

Inilathala ng state health insurer ang panuntunan ng benepisyo para sa mental health noong Oktubre 12, 2023. Sa nasabing pakete covered na ang konsultasyon, diagnostic follow-up, psychoeducation, at psychosocial support na malapit nang mapakinabangan sa mga accredited na pasilidad na may serbisyo para sa mental health outpatient.

Ang PhilHealth mental health package ay nahahati sa dalawa: general mental health services packages na nagkakahalaga ng P9,000 at specialty mental health services packages na nagkakahalaga ng P16,000 taon-taon.

Maaaring makagamit ng benepisyo ang isang indibidwal na may 10 taong gulang pataas na nangangailangan ng psychiatric services. Samantala, walang limitasyon sa edad para sa mga nangangailangan ng neurological services.

Nilalayon ng gobyerno na mapigilan ang maagang pagkamatay ng mga tao at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Filipino na may sakit sa pag-iisip. Pinagbubuti ng ahensya ang paghahatid ng accessible mental health services para mapigilan ang stigmatization at diskriminasyon.

Nananawagan din ang PhilHealth sa mental health facilities sa buong bansa na magpa-accredit upang masiguro na ang mental health services ay mailapit sa mga tao. “Sama-sama nating isulong ang mental health sa ating mga Kababayan, hindi lang sa kalunsuran kundi pati na sa rural na lugar.” sabi ni Ledesma.