OVERALL CHAIRMAN NG CPP-NPA TUMBA SA JOINT AFP-PNP OPERATION SA BAGUIO

Felimon Santos

BENGUET – NAPATAY sa joint law enforcement operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP)  at Philippine National Police (PNP)  ang overall chairman ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA)  sa Brgy. Queen of Peace sa Baguio City kahapon ng alas-3:30 ng mada­ling araw.

Kinilala ni AFP Chief of Staff General Filemon Santos ang napaslang na NPA leader na si Julius Soriano Giron, na siyang pumalit kay Benito Tiamzon bilang overall chairman ng CPP-NPA noong maaresto ang huli noong 2014.

Si Giron ay napatay matapos na manlaban nang magtangka ang mga operatiba na magsilbi ng search warrant at arrest warrant para sa kasong rebellion, arson, at frustrated murder.

Dalawa naman sa kanyang mga kasamahan ang naaresto kabilang si Lourdes Tan Torres/Ma Lourdes Dineros Tangco, na miyembro ng CPP Executive Committee, at isang security aide.

Ayon kay Santos si Giron ay mas maimpluwensya sa NPA kaysa kay CPP founding Chair Jose Maria Sison dahil siya ang mas malapit sa mga local NPA Operations habang nagtatago sa abroad si Sison.

Pinuri ni Gen. Santos ang mga sundalo at pulis na involved sa matagumpay na operasyon na itinuturing ng militar na isang “major blow” sa CPP-NPA

Una naring tiniyak ni Gen. Santos na hindi apektado ang kanilang mga normal na peace and security operations sa kabila umiiral na situwasyon ng COVID-19 sa bansa. REA SARMIENTO

Comments are closed.