WALANG pinipiling oras at panahon ang kahiligan natin sa pagkain. May mga pagkakataon talagang halos hindi natin mapigil ang ating sariling kumain nang kumain. Iyong tipong katatapos lang nating kumain, naghahanap na naman tayo ng lasa o ibang klaseng putahe.
May mga panahon talagang hindi natin mapigil ang sariling mapakain nang mapakain. Halimbawa na lang kapag sobrang sasarap ng mga pagkaing nasa ating harapan. O kaya naman, kapag stress tayo. Kapag nga naman stress at malungkot ang ilan, hinahanap sa pagkain ang kaligayahan. Kumbaga, ibinubunton ang sama ng loob sa pagkain. Pero may ilan din namang talagang magana lang kung kumain.
Isa rin sa nakapagdudulot ng pagkain ng marami ay ang malamig na panahon. Madalas tayong makaramdam ng gutom kapag malamig. At ang masaklap pa, may ilan sa atin na hindi mapigil ang pagkain lalo na sa gabi.
Okey lang kung tamang dami lang ng pagkain ang nilalantakan sa gabi. Pero kung sobra-sobra na at gabi pa, hindi na ito maganda at kailangan nang iwasan o itigil.
May masamang epekto ang overeating sa gabi gaya na lamang ng weight gain o ang pagdagdag ng timbang, pagkakaroon ng acid reflux at heartburn. Ang overeating din sa gabi ay nakaaapekto sa ating pagtulog.
At para maiwasan ang overeating sa gabi, narito ang ilan sa tips na maaari ninyong subukan:
MASARAP AT MASUSTANSIYANG AGAHAN
Kahit na pagbali-baliktarin natin ang mundo, napakahalaga talaga sa kahit na sino ang agahan. Oo, sabihin na nating marami ang ayaw kumain ng agahan dahil wala pang gana. Gayunpaman, napakaimportante nito upang mapanatiling malusog at malakas ang ating pangangatawan sa buong araw.
Kumbaga, ang pundasyon natin para makayanan ang nakaatang sa ating gawain sa maghapon ay nakasalalay sa ating agahan.
Kung hindi ka kakain ng agahan, may koneksiyon ito sa overeating sa gabi. Kumbaga, dahil sa pag-skip mo ng agahan, malaki ang tiyansang maparami ang kain mo sa gabi.
Kaya dapat lang na kumain ng agahan ang kahit na sino sa atin. Piliin din ang mga hearty at healthy breakfast para maiwasan ang madalas na pagkagutom at ang pagod na pakiramdam.
KUMAIN NG TAMA SA ORAS
Abala ang marami sa atin. Napakarami nga namang kailangang tapusin. Kaliwa’t kanang gawaing kailangang matuldukan bago sumapit ang gabi.
Kaya’t kadalasan, para lang matapos kaagad ang trabaho, naisasaalang-alang ang pagkain. Nawawalan na ng oras kumain. May ilan ngang isang beses na lang kung kumain dahil sa kaabalahan.
Kumbaga, sa isang beses na pagkain nito sa isang araw, pinagsama-sama na ang agahan, tanghalian at hapunan, gayundin ang meryenda.
Hindi makabubuti ang pag-skip ng pagkain dahil malaki ang tiyansa nitong mapakain ka ng marami sa gabi.
Oo, sobrang busy ka sa umaga kaya’t minsan ay hindi ka nakadarama ng gutom. Pero pagkatapos ng trabaho at kapag mamamahinga ka na, saka naman kakalam ang sikmura mo at maghahanap ka ng iba’t ibang pagkain.
At para makabawi ang katawan, kakain ka nang kakain. Hanggang sa hindi mo namamalayang, sobra-sobra na pala ang kinunsumo mong pagkain kaysa sa nakasanayan.
Kaya para maiwasan ang overeating, kumain ng tama sa oras.
NGUYAING MABUTI ANG PAGKAIN
Pagdating sa pagkain, walang pabilisan o contest. Hindi puwedeng subo-nguya ng kaunti-saka lunok lang ang gagawin natin. Kailangang nangunguya nating mabuti ang pagkain.
Maraming dahilan kung kaya’t kailangan nating nguyaing mabuti ang pagkain. Unang-una ay madaling ma-digest ang pagkain kapag maliliit ito o pino. Mas magiging madali rin sa ating intestine ang pag-absorb ng nutrients na mayroon sa pagkaing ating kinain.
Ikalawa, sa pamamagitan din ng pagnguyang mabuti ng pagkain ay napananatili nito ang timbang.
Ikatlo, mae-enjoy mo ang iyong pagkain. Mas malalasahan mo nga naman ang kinakain kung nginunguya itong mabuti kaysa sa lunok ka lang nang lunok.
Bukod pa roon, mainam ang pagnguya sa ating mga ngipin dahil na-e-exercise ang mga ito.
UMINOM NG TUBIG BAGO KUMAIN NG HAPUNAN
Mainam din ang pag-inom ng tubig bago kumain ng hapunan upang maiwasan ang overeating. May mga pagkakataon din kasing pakiramdam natin ay gutom tayo pero nauuhaw lang pala. Kung minsan ay hindi natin ma-distinguish ang feeling ng pagiging gutom at uhaw. Kaya para maiwasan din ang overeating lalo na sa gabi, makabubuti kung iinom ng isa o dalawang baso ng tubig bago kumain ng hapunan.
Marami ring benepisyo ang pag-inom ng tubig. Napananatili nitong hydrated ang katawan. Nakapagpapabawas din ito ng timbang.
Ang pag-inom din ng tubig, 30 minuto bago kumain ay nakatutulong sa mganda at maayos na digestion. Uminom din ng isang basong tubig isang oras bago matulog upang ma-replenish naman ang nawalang fluids sa katawan.
Kung minsan talaga ay hindi natin maiwasan ang mapakain ng marami. Oo, masarap naman talaga ang kumain. Pero kailangang limitado o tama lang din ang kinukunsumo nating pagkain nang hindi mameligro ang ating kalusugan.
Kaya sa mga napaparami ang pagkain sa gabi, subukan ang tips sa itaas. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.