POSIBLENG maharap sa kasong paglabag sa Children’s Safety on Motorcycle Act of 2015 at pagmumultahin ng P3,000 hanggang P10,000 ang sinumang tricycle at motorcycle drivers na mahuhuling sobra-sobra ang sakay na pasahero.
Ito ang babala ng Land Transportation Office (LTO) kasabay ng pag-arangkada ng face-to-face classes na umano’y maraming mga bata kasama ang kanilang magulang ang sumasakay ng tricycle patungo sa paaralan.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ng LTO ang mga magulang at guardian ng mga mag-aaral na huwag hayaan na pasakayin ang kanilang mga anak sa punuan na tricycles at motorsiklo, upang maiwasan ang anumang maaaring mangyaring sakuna.
“Five to six a.m. marami kaming nakikitang tricycle na overload. ‘Yung iba pinapababa. Pero we cannot avoid eh. Gustong nagmamadali ‘yung mga bata winarningnan natin kasi interes pa rin natin yung safety ng mga bata,” ayon kay LTO Metro Manila director Clarence Guinto sa isang panayam.
Aniya, apat lamang kasama ang driver ang dapat nakasakay sa tricycle, habang isa lang ang backrider sa motorsiklo.
Idinagdag pa ng opisyal, kapag magsasakay naman ng bata sa motorsiklo ay dapat na umaabot umano ang paa nito sa foot peg at maayos ang pagkakayakap sa nagmamaneho at parehong nakasuot ng helmet. BENEDICT ABAYGAR, JR.