PINAREREPASO sa Department of Trade and Industry (DTI) ng grupong Laban Konsyumer ang suggested retail price (SRP) na ipinapataw sa mga de lata.
“Repasuhin naman nang maigi ang mga pagtaas ng SRP sa mga produktong de lata,” sabi ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.
Sa datos na ipinaalam ng Laban Konsyumer, umaabot na ng 15 porsiyento ang itinaas na presyo ng mga de lata nitong taon.
Dumepensa naman si Trade Secretary Ruth Castelo sa pagtaas ng SRP.
“While [the] cost of tin plate goes down a little bit, papaano ‘yong presyo naman ng meat products that are also imported from other countries?” pahayag ni Castelo.
Dagdag pa ni Castelo, may ilang manufacturer ng de latang karne at sardinas na humihirit ng panibagong dagdag-presyo pero pag-aaralan muna nila ito.
Nasa P0.70 hanggang P1 ang hiling na dagdag sa kada lata ng sardinas habang P1 hanggang P1.50 naman sa kada lata ng canned meat.
“It does not follow that when they request for a price increase eh, papayagan na natin,” ani Castelo.
Nagkaroon ng P0.50 hanggang P0.90 na pagtaas sa SRP ng mga produktong de lata noong Hunyo matapos aprubahan ng DTI ang hiling ng mga canned goods manufacturer na idinahilan ang pagmahal ng raw materials at labor cost.
Ayon naman kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, maliit pa ang patong ng mga pamilihan sa mga de latang produkto.
“Pagdating sa amin, napakaliit na nga ng patong namin eh, we can hardly stay afloat,” aniya.
Comments are closed.