BINALAAN ng Department of Energy (DOE) ang mga kompanya ng langis laban sa overpricing sa gitna ng patuloy na pagsirit ng global oil prices.
Ginawa ni DOE Usec. Gerardo Erguiza ang babala kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nasa ika-9 na linggo na ngayon.
Aniya, ang presyo ng gasolina ay dapat na nasa pagitan lamang ng P60 at P83 kada litro; diesel, P52 hanggang P65 kada litro, at kerosene, P61 hanggang P68 kada litro.
Hinikayat naman ni Erguiza ang publiko na i-report ang kompanya na lalagpas sa naturang mga range, at idinagdag na maaari itong imbestigahan para sa posibleng profiteering.
“In that case, we will check immediately and sabihan at puntahan sila [and call their attention and visit them]. The Department of Energy has the authority to go against these acts,” aniya.
Nauna nang napaulat na may ilang kompanya ng langis na nagpepresyo ng gasolina ng hanggang P98 kada litro.
Tiniyak din ni Erguiza na ang Russia-Ukraine crisis ay hindi magkakaroon ng direktang epekto sa oil supply ng bansa kahit na ang Russia ang top oil-exporting nation.
“We are not getting supply from Russia, wala tayong kontrata,” paglilinaw niya.