UMAABOT na sa all-time high na 1.6 milyon ang bilang ng mga overseas voter na nagpatala para sa 2019 mid-term elections.
Batay sa ulat ng Commission on Elections (Comelec), mas mataas ang nasabing bilang kung ikukumpara sa mahigit 1.3 milyon na nagpatala para sa 2016 presidential elections.
Umaasa naman ang poll body na madaragdagan pa ang nasabing bilang na maaaring umabot sa 1.9 million pagsapit ng Setyembre 2018.
Ayon kay Comelec Commissioner Luie Tito Guia, ang mataas na bilang ng nagpapatalang overseas voters ay resulta nang masigasig na paghimok sa kanila ng mga miyembro ng Foreign Service at Comelec, habang mahalaga rin aniya ang papel na ginampanan ng mga media partner at ng blogger.
Muli namang hinimok ni Guia ang mga Pilipinong nasa ibayong dagat na magparehistro sa pinakamalapit na Philippine Foreign Service Posts para makaboto sila sa 2019 mid-term elections.
Ang registration para sa overseas voters ay magtatagal pa hanggang sa Setyembre 30, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.