OVERSEAS VOTING UMARANGKADA NA

overseas voting

SINIMULAN na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng overseas voting (OV) para sa May 13 National and Local Elections.

Gayunman, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na may tatlong  lugar ang hindi nakasali rito dahil sa kaguluhang nagaganap doon, kabilang ang Damascus, Syria; Baghdad, Iraq at Tripoli sa Libya.

Hindi pa naman batid ng Comelec kung kailan idaraos ang halalan doon o kung makapagdaraos pa ng eleksyon sa mga naturang lugar.

“We don’t see elections happening there in the immediate foreseeable future,” ani Jimenez.

Kamakailan ay nagpatupad ng total deployment ban ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Libya, habang patu-loy pa rin ang kaguluhan sa Syria at Iraq.

Ayon sa Comelec, may 1.8 milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang inaasahang makikiisa sa OV, na magtatagal ng isang buwan, o simula Abril 13 hanggang sa May 13, na siyang araw mismo ng halalan.

Mayroon umanong 83 embassies at posts kung saan maaaring bumoto ang mga overseas voter.

Sa nasabing bilang, 41 ang gagamit ng vote counting machines (VCMs), kabilang dito ang New York, San Francisco, Calgary, Hong Kong, Taipei, Singapore, Seoul, London, Madrid at Dubai, habang ang iba pang mga post ay magkakaroon naman ng manual o manu-manong halalan, na maaaring ipa­daan sa personal voting o ‘di kaya ay postal service.

Ang postal voting ay gagamitin sa Paris, Me­xico at Berlin, habang ang personal voting naman ay sa Jakarta, Vatican at New Delhi.

Napag-alaman din na ang pinakamara­ming bilang ng overseas vo­ters ay matatagpuan sa Middle East at Africa (887,744 vot-ers), kasunod ang Asia-Pacific (401,390), North at Latin America (345,415) at Europe (187,624).

Umaasa ang Comelec na mas maraming OFWs  ang lalahok sa eleksyon ngayong taon, kumpara sa nakalipas na dalawang mid-term election, kung kailan ang voter turnout ay nasa 16 porsiyento lamang.

“Hopefully, our turnout will be higher than 16 percent, somewhere in the 25 percent,” ani Elaiza David, na siyang head ng over-seas voting ng poll body.

Kumpiyansa naman si Jimenez na mas maraming overseas Filipinos ang makikiisa sa eleksyon dahil sa naganap noong 2016 presidential elections, kung kailan naging napakahalaga ng kanilang mga boto para sa mga kandidato.

Hinikayat din nito ang mga overseas voter na lumahok at bumoto sa eleksyon.

Tanging mga national candidates lamang naman ang maaaring iboto ng mga overseas voter, kabilang dito ang 12 senador at isang party-list group. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.