OVERSTAYING FOREIGNER TIMBOG SA PEKENG PH PASSPORT

FAKE PASSPORT

PINIGIL  ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Malaysian national sa Ninoy Aquino International Airport (AIA) dahil  sa bitbit nitong pekeng Philippine passport.

Tinangkang umalis ng bansa ni Toong Yuen Chin, 36, patungong Kuala Lumpur nang tanungin ito ng immigration officer na nagsimulang magsuspetsa makaraang iprisinta and Philippine passport na hindi gumana sa passport reader.

Ayon kay BI-Port Operations Division chief Griftom Medina, ang ­pangalang Filipino na nasa passport ay Jacky Cruz Chin.

Inamin ni Chin na isa siyang Malaysian noong kasalukuyan siyang iniimbestigahan at kalaunan ay sinabi nito na isang fixer na nagngangalang Lawrence and tumulong sa kanya para makabili ng Philippine passport.

Kasalukuyang nasa BI Detention Center sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dayuhan habang isinasaayos ang deportation proceedings.

Ayon kay senior immigration officer Glen Comia, hepe ng BI Travel Control and Enforcement Unit sa NAIA 3, duma­ting  ang dayuhan sa bansa noong Hulyo 12, 2018 gamit ang kanyang Malaysian passport.

Aniya, ginamit nito ang fake Philippine passport para iwasan ang immigration fees at multa sa pagiging overstaying sa Filipinas.

Nalaman din ng bureau na nagtataglay ng Philhealth ID at municipal birth certificate  ang dayuhan kung saan siya kunwaring ipinanganak sa Sta. Ana, Manila sa Filipinong magulang.     FROILAN MORALLOS

 

Comments are closed.