OVERSTAYING FRENCH NATIONAL NASAKOTE

ISABELA- ARESTADO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Santiago City ang isang French national na overstaying sa Pilipinas.

Kinilala ang French national na si Yassine Nouraddine Debah, 51-anyos na inaresto sa isang operasyon alinsunod sa isang mission order na inisyu ni BI Commissioner Norman Tansingco.

“We will not tolerate overstaying aliens who disregard the legal requirements of their stay in our country,” ayon kay Tansingco. “We will continue to be vigilant and proactive in ensuring that immigration regulations are upheld,”dagdag pa nito.

Isinagawa ng BI – Intelligence Division (BI-ID) ang operasyon sa pamumuno ni BI Regional Intelligence Operations Unit – 2 (RIOU-2) sa Balagtas St., Victory Norte, Santiago City, Isabela.

Ang pagkakaaresto kay Debah ay dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 dahil sa pagiging overstaying at isang undocumented.

Sinabi ni Fortunato Manahan, Jr., Chief of the BI Intelligence Division na isinagawa ang dalawang araw na surveillance operasyon sa pakikipagtulungan ng Santiago City police at mga opisyal ng Victory Norte.

Nang makumpirma ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Debah ay saka nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto. PAUL ROLDAN