DEHADO ang mga magsasaka at trader sa oversupply ng stock ng gulay sa Benguet na nagdulot ng bagsak-presyo sa ilang merkado nitong mga nakaraang araw, ayon sa isang agricultural group.
Ito ay dala sa sabay-sabay na pag-ani matapos ang pagkaantala ng anihan nang dumaan ang tropical depression Usman sa lugar.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) president Rosendo So, ikalulugi ng producers at traders ang oversupply at pagbaba ng presyo.
Dagdag niya, maiiwasan sana ito kung may koordinasyon ang mga probinsiya sa schedule o rotation ng pagtatanim.
“Dapat may planning talaga ang DA (Department of Agriculture) kung ano ang pagtatamnan. Kung ano ang rotation, well coordinated sana… Pero dati ‘yung mga municipal agriculturist… na-devolve na sa local government, so hindi na [ito] control ng DA,” paliwanag ni So.
Sa pag-iikot ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong umaga sa Commonwealth Market, nakita ang mga sumusunod na presyuhan ng mga gulay na galing Benguet.
Presyo ng gulay sa Commonwealth Market:
Carrots— P30 hanggang P35/kilo (mula P60 hanggang P70/kilo); kamatis—P25/kilo (mula P40/kilo); repolyo—P45/kilo (mula P60 hanggang P70/kilo) patatas→ P45/kilo (mula P65/kilo); Sili→P120/kilo (dating umaabot ng P1,000/kilo).
Pero kung mas mura ang presyo ng mga gulay galing Benguet, mas nagmahal naman ang presyo ng gulay-Tagalog sa Kamuning Market dulot ng kakaunting ani.
Presyo ng gulay sa Kamuning market:
Talong–P100/kilo (mula P60/kilo); ampalaya–P100/kilo hanggang P120/kilo (mula P50/kilo)—okra–P120/bundle (mula P40/kilo) sitaw–P35/tali (mula P20/kilo).
Dahil sa oversupply, napilitan ang ilang magsasaka at supplier sa Benguet na itapon ang tone-toneladang sobrang suplay ng gulay bago ito tuluyang masira.
“‘Yung production cost naming hindi namin nabawi… mangungutang na naman kung may mag papautang,” ayon sa magsasakang si Marion Kimaw.
Napilitan din na ibaba sa P1 kada kilo ang presyo ng ilang gulay sa lugar, partikular na ang wombok at carrots.
Tiniyak ni DA Secretary Manny Piñol na mabibigyan ng ayuda ang mga magsasaka ng Benguet na nalugi dahil sa dami ng suplay ng gulay.
May nakaantabay na P144 milyong pondo ang DA para rito at pauutangin ang bawat magsasaka ng P25,000 para makaahon.
Nanawagan din ang kalihim na ibigay sa mahihirap na lugar ang labis na suplay ng gulay para hindi masayang sa pagkabulok.
“We are asking the farmers, traders to distribute the vegetables to the poor areas,” aniya
Comments are closed.