MAKATI CITY – PUPULUNGIN bukas ng pamahalaang lungsod ng Makati ang lahat ng may-ari at operator ng mga gasolinahan kaugnay ng naganap na “gas leak” sa Phoenix Petroleum Gasoline Station sa Brgy. Bangkal.
Ang lahat ng may-ari ng gasolinahan sa lungsod ay ipatatawag ni acting city administrator Atty. Michael Camiña.
Pinaalalahanan ng pamahalaang local ng Makati ang lahat ng may-ari ng gasolinahan na magsagawa ng regular na inspection sa kanilang mga fuel line at mga imbakang tangke at kaagad ipagbigay-alam sa City Hall kapag may problema.
Hinimok din ng pamahalaang lokal ng Makati ang mga residente at iba pang stakeholder na iparating ang kanilang mga concern sa pamamagitan ng mga sumusunod, Facebook; MyMakatiVerified; @Mayor_Abby; Instagram: mymakati; Youtube: MyMakati; website : www.makati.gov.ph.
Pinuri naman ang Makati City Fire Department at mga opisyal ng lungsod na bumubuo sa Makati Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) dahil sa kanilang mabilis na pagkilos upang maagapan ang gas leak mula sa naturang gasoline station na humalo sa imburnal o drainage system na posibleng magdulot ng panganib sa mga residente ng Brgy. Bangkal.
Matatandaan na nagpanik ang daan-daang residente dahil nakalanghap sila ng masangsang na apoy mula sa gas leak ng naturang gasolinahan.
Sa kanyang pinakahuling report, matapos na matanggalan ng petrolyo ang mga tangke, pinuno naman ang mga ito ng tubig at isinarado para sa isang gravity test pagkalipas ng anim na oras.
Mano-manong sinukat ang water levels bago isarado ang mga tangke at muling binuksan makalipas ang anim na oras.
Ang resulta ng gravity test ay kasalukuyang nasa Special Rescue Unit ng fire bureau.
Isang third party rin na kinontrata ng Phoenix ang nakatakdang magsagawa ng hydrotest. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.