NILINAW ng Philippine National Police (PNP) hindi ang pagkakaroon ng matataas ng armas ng pribadong indibidwal ang isinulong na amiyendahang implementing rules and regulation ng batas kundi ang paglilinaw sa ilang ginamit na salita gaya ng “high-powered firearms.”
Ito ang tugon ni PNP Public Information Office Chief Col Jean Fajardo sa pangamba ni Senadora Imee Marcos na tataas ang kriminalidad dahil sa pagpayag na makabili ang pribadong indibidwal ng matataas na armas.
Iginiit ni Fajardo na welcome sa PNP ang paalala at pangamba ng Senadora gayundin ng iba pang sectors of society habang nirerespeto ang pagbabago sa Implementing Rules and Regulation ng RA 10591.
Gayunpaman, ang intensiyon ng PNP para itulak ang pag-amyenda sa IRR ay i-align at makasunod sa nasabing batas.
Paliwanag ni Fajardo, noong maipasa ang batas noong Hunyo 2013 ay pinayagan ang pagbili ng sibilyan sa mga armas mula rifle, pistol at hindi lalagpas sa caliber 7.62mm subalit nang ipinasa ang IRR noong 2018 ay nagkaroon ng magkaibang interpretration.
Aniya, nagkaroon ng definition ng small arms kaya nabago ang IRR kung saan idinagdag ang ‘does not exceed o hindi lalagpas sa kalibre ng isang light weapon, kaya hindi pinapayagan ang pagbili ng matataas na uri ng armas sa sibilyan.
“So doon sa amendment ay nanatili ‘yung
prohibition sa isang sibilyan na magmay-ari ng mga baril na ang
classification nito ay light weapons. Ibig sabihin itong mga baril na
ito whether pistol, machine gun or assault rifle ay may capability ito
ng full automatic discharge. So hindi pa rin ‘yun pinapayagan,” diin ni Fajardo.
Dagdag pa ni Fajardo, ang pinapayagan lang ng PNP na baguhin ay ang definition ng high powered-firerms.
“Naging malawak ‘yung definition, nasaklaw ‘nung definition or paggamit ng salitang
high-powered firearms pati na rin ‘yung rifle na under the original law ay allowable naman,” anito.
Samantala, tiniyak naman ng PNP na daraan sa butas ng karayom ang sinumang magmamay-ari ng armas at patuloy nilang hinihikayat ang mga gun owner na maging responsable sa paghawag ng baril habang ang IRR ang magiging gabay para rito at hindi para dumami ang bilang ng krimen.
EUNICE CELARIO