ALAM naman ng lahat na ang COVID-19 disease ay lumikha ng maraming mga hamon na pinagsisikapang mapag-tagumpayan ng pamahalaan. May malaking digmaan sa pambansang kalusugan at mayroon ding digmaan para mai-reactivate at maisalba ang pambansang ekonomiya.
Sa usapin ng ekonomiya, malaki ang hamon sa pagnenegosyo at pagmantine at paglikha ng mga hanap-buhay, lalo’t lugmok din ngayon ang hanay ng mga manggagawa na pinangungunahan ng ating mga bagong bayani, ang mga overseas Filipino worker na nawalan ng hanapbuhay dahil sa outbreak.
Nangunguna nga si DOLE Sec. Silvestre Bello III para matulungan ang ating mga OFW, kaya naman sa kautusan na rin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, pinagalaw ni Sec. Bello ang resources ng departamento, kasama na rito ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na isang ahensiya na nasa ilalim ng DOLE.
Kasama sa plano ang pagrenta ng mga bus at mga food caterer na siyang tutulong sa transportasyon at pangangailangang pagkain sa kampanya, ngunit sa gitna ng umiigting na pangangailangang maiuwi ang mga OFW sa kani-kanilang mga lalawigan, ay ibinulgar ng mga bus driver at ng iba pang mga tumutulong sa kampanya na hindi sila binabayaran ng OWWA.
Lubhang nakapagtataka ito dahil may P800 milyong pondo ang ahensyang ito para i-finance ang transportasyon at mga pagkain ng mga participant sa kampanyang maiuwi na nga ang mga OFW na na-stranded kung saan-saan.
Samantala, sina Duterte at Bello ay malaki ang paniniwala sa istratehiyang naaprubahan upang maibsan sana ang pagdurusa ng mga OFW, ngunit mukhang naiipit sa hanay sa baba nila.
Ano ba ‘yan, OWWA?
Comments are closed.