P.5-M PABUYA SA JOLO BOMBERS INILAAN NG ACT-CIS PARTYLIST

ACT-CIS

4NAG-ALOK ng P500,000 pabuya ang Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement and Support (ACT-CIS) sa sino mang makapagtuturo at ikadarakip ng mga suspek sa madugong pambobomba sa simbahan ng Jolo, Sulu na ikinamatay ng 20 katao nitong Linggo.

Sa pahayag ni ACT-CIS partylist first nominee Eric Yap, iginiit nito na kaisa sila ng buong sambayanan sa pagdadalamhati sa malagim na terorismo matapos ang dalawang magkasunod na pagpapasabog ng bomba sa loob ng Mt. Carmel Cathedral sa Jolo.

“Mariing kinokondenda ng ACT-CIS ang madugong insidente, na isang malinaw na terorismo. Kaisa kami ng pamahalaan na dapat agad mapanagot at maparusahan ang mga taong nasa likod ng karumal-dumal na gawain na ito,” ani Yap.

Ang P500,000 reward money ay bilang tugon na rin ng kanilang grupo para sa mabilisang aksiyon at agarang pagkadakip sa mga tao na nasa likod ng pambobomba.

“Huwag nating hayaang magtagumpay ang mga tao na nasa likod ng terorismo. Sama-sama tayong tulungan ang mga biktima na agarang makabangon sa pinsalang idinulot nila. Kahit kailan ay hindi magtatagumpay ang anumang kasamaan dito sa mundo,” giit ni Yap.

Ang naturang pabuya ay bilang pakikipagtulungan na rin ng ACT-CIS sa isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police ukol sa insidente.

Matagal nang isinusulong ng ACT-CIS ang mga programa laban sa kriminalidad at terorismo dahil ito ang adhikain ng kanilang grupo, “ang wakasan ang krimen at terorismo sa bansa.”

Prayoridad ng ACT-CIS ang pagsusulong ng mga batas na magbibigay ng pangil laban sa kriminalidad at terorismo. “Matapos ang madugong pambobomba sa Jolo, mas lalo lamang tumibay ang aming adhikain na ipagpatuloy ang matagal na naming nasimu-lan na mga programa laban sa krimen at terorismo,” ani Yap.