P.5-M SHABU, BARIL NASAMSAM SA 2 HVT

RIZAL- WALANG kawala sa inilatag na entrapment operation ng Region 4A Drug Enforcement Group (DEG) ang dalawang high value target na nagdedeliver ng droga nang masakote ang mga ito kahapon sa nasabing lalawigan.

Sa report na tinanggap ni BGen. Jose Melencio Nartatez, CALABARZON police director kay Rizal provincial director Col. Dominic Baccay, kinilala ang dalawang suspek na sina Roland Acibar Fedillaga, alias “Rolan”, 36-anyos at Romie Sumalinog Espinosa, 29-anyos na kapwa mga residente ng Binangonan, Rizal.

Base sa pahayag ni Baccay, sina Fedillaga at Sumalinog ang madulas na tandem na nagbabagsak ng malakihang bulto ng shabu sa Binangonan at mga karatig bayan sa Rizal.

Ayon sa Intelligence unit ng Binangonan PNP, madalang umanong magdeliver ng droga ang mga suspek sa lugar subalit malakihan naman ang transaksyon ng mga ito.

Sa pagkakahuli sa dalawa, nakumpiska ng mga pulis ang 7 piraso ng plastic sachets na naglalaman ng shabu na may timbang na 80.5 gramo at may street value na P546,000 at isang bagong 9 mm pistol at mga live ammunitions.

Nakadetine na sa Binangonan custodial cell ang mga suspek. ARMAN CAMBE