NAKATAKDANG pagkakalooban ang 16 na local isolation at treatment areas sa ilang piling local government units (LGUs) at jail facilities sa buong bansa ng tig-kalahating milyong ayuda sa ilalim ng “Adopt a Ligtas COVID Center” program ng Government Service Insurance System (GSIS) upang mapaghusay pa ang kanilang mga pasilidad laban sa COVID-19.
Ito’y matapos na lagdaan ng GSIS kamakailan ang isang memorandum of agreement kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), local government units (LGUs), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa probisyon ng P500,000 sa bawat 16 recipient na Ligtas COVID centers.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, kabuuang 16 na Local Isolation and General Treatment Areas for COVID-19 (LIGTAS COVID) Centers sa buong bansa ang tumanggap ng tig- P500,000 assistance bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) program ng GSIS.
Sinabi ni Malaya na sa 16 recipient COVID-19 Ligtas Centers, isa ang nasa Cagayan Valley; isa sa Central Visayas; dalawa sa Central Luzon, dalawa sa CALA-BARZON, dalawa sa Northern Mindanao; at lima mula sa National Capital Region (NCR).
Ang natitira pang tatlo ay BJMP facilities naman, na kinabibilangan ng New Quezon City Jail, New San Fernando City Jail sa Pampanga, at Zamboanga City Jail.
Aniya, ang naturang kalahating milyong alokasyon kada Ligtas COVID Center ay gagamitin upang madagdagan rin ang kinakailangang medical supplies, isola-tion facilities, personal protective equipment (PPEs), at iba pang kinakailangan ng naturang centers.
Umaasa rin naman si Malaya na ang donasyon ng GSIS sa Ligtas COVID Centers ay magpapaalab pa sa dedikasyon ng mga Barangay Health Emergency Re-sponse Teams (BHERTs), alinsunod sa DILG at Department of Health (DOH) Joint Administrative Order 2020-0001. EVELYN GARCIA
Comments are closed.