P.6 M KARGAMENTO TINANGAY NG DRIVER, HELPER

TINANGAY ng driver at helper nito ang mahigit P.6 milyong halaga ng kargamento na dapat ay idi-deliver sa isang negos­yanteng buyer noong Lunes ng gabi sa Malabon City.

Miyerkules na ng hapon nang matuklasan ni Johnson Tan, 24-anyos, negosyante at residente ng 920 Asuncion St., Tondo, Manila na hindi pala dumating sa kanyang buyer na si Kevyn Sy sa Balintawak Market sa Quezon city ang ide-deliver sanang 100 sako ng monggo at 800 sako ng bawang na may kabuuang halagang P611,000.00 ng mga suspek na sina Marvin Ena­no, 24-anyos, driver at Khen Palajos, helper, kapuwa residente ng Baseco Compound, Tondo.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal ng Malabon police, inutusan ni Tan ang dalawa na kunin sa Super 5 Cold Storage sa Gov. Pascual, Brgy. Catmon ang mga kargamento noong Lunes dakong alas-8:52 ng gabi at ide-deliver sa kanilang buyer na si Sy sa puwesto nito sa Balintawak Market.

Inakala ni Tan na nai-deliver na ng dalawa ang sako-sako ng monggo at bawang subalit nagulat siya ng tawagan siya ni Sy dakong alas-2 ng hapon kamakalawa at tinatanong kung bakit hindi dumating ang inorder niyang monggo at bawang.

Kaagad na tinawagan ni Tan sa kani-kanilang mobile phone ang kanyang driver at helper subalit hindi na sumasagot ang mga ito kaya’t humingi na siya ng tulong sa Manila Police District (MPD) Station 2 na pinayuhan na mag­hain din ito ng reklamo sa Malabon police.

Nagsasagawa na ng pagtugis ang magkasanib na puwersa ng MPD at Malabon police para sa agarang pagkakadakip sa mga suspek. EVELYN GARCIA

Comments are closed.