P.7 M DROGA NASAMSAM SA 2 DRUG COURIERS

ARESTADO ang dalawang nagbebenta ng illegal na droga matapos makuhanan ng halos P.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy bust operation, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang pagkakaaresto kay Edilberto Librado Jr., alyas “Dagul”, 42-anyos ng Brgy. 145, Bagong Barrio at Jimbo Malit, 41-anyos ng Plaridel Bulacan ay mula sa isang linggong validation na isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos ang natanggap na impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa kanilang illegal drug activities.

Bandang alas-10 kamakalawa ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Maj.Deo Cabildo kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation kontra sa mga suspek sa Rizal Avenue corner 12 Avenue, Brgy. 71.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P40,000 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Narekober sa mga suspek ang apat na medium plastic sachets na naglalaman ng humigi’t-kumulang sa 100 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P680,000.00, buy bust money na dalawang tunay na P1,000 bill at 38 pirasong P1,000 boodle money at itim na sling bag.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES

Comments are closed.