SIMULA ngayong Martes ay muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo.
Ito na ang ika-5 sunod na linggo na may oil price increase.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay tataas ng P0.75, habang ang kerosene ay may dagdag-presyo na P0.45.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.
Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.45, diesel ng P1.90, at kerosene ng P1.70.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Enero 25, 2022, ang year-to-date adjustments ay may total net increase na P4.95 kada litro para sa gasolina, P7.20 kada kitro sa diesel, at P6.75 kada litro para sa kerosene.