(P0.75/L sa gasolina; P1.10/L sa diesel) OIL PRICE HIKE NA NAMAN

SA IKALAWANG sunod na linggo ay may pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na may P0.75 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P1.10 sa diesel, at P0.90 sa kerosene.

Ang taas-presyo sa kerosene ay hindi ipatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Ipatutupad ng Cleanfuel at Petro Gazz ang kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Epektibo ang price hike ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel, na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Enero 4, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.85, diesel ng P2.40, at kerosene ng P1.85.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), noong 2021, ang kabuuang itinaas ng presyo ng gasolina ay P17.65 kada litro; diesel, P14.30 kada litro; at kerosene, P11.54 kada litro.