P1.057-B SHABU NASABAT NG PDEA

UMAABOT mahigit isang bilyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang drug suspects kabilang ang isang Chinese national matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City nitong Martes ng hapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Wilkins Villanueva ang mga suspek na sina Tianzhul Yu, 34-anyos ng Fujian China at Meliza Villanueva, 38-anyos ng Concepcion Tarlac.

Ayon kay Villanueva, dakong alas-3:30 ng hapon nang isagawa ng pinagsamang mga tauhan ng PDEA Intelligence Service (PDEA-IS), PDEA Regional Office – National Capital Region (PDEA RO-NCR), PDEA Regional Office -3 (PDEA RO-3) PDEA Special Enforcement (SES), Armed Forces Of the Philippines, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Bureau of Customs (BOC), PNP PDEG IFLD, PNP RO3, Valenzuela Police Station, at Valenzuela ALERT Center ang buy bust operation sa J.P. Rizal St., Arty Subdivision, Brgy., Karutahan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska ng mga operatiba ng PDEA sa mga suspek ang tinatayang nasa 160 kilograms ng shabu na nasa P1.088 bilyon pesos ang halaga, buy bust money at tatlong mobile phones.

Ani Villanueva, ang lugar na iyon ang posibleng source ng mga nahuhuli nila nitong mga nakaraang araw kung saan ay bahagi umano ito ng transnational drug syndicate na tinatawag na “The Company”.

“The company is operating in South East Asia and ang source nito ay galing sa golden triangle,” dagdag pa nito.

Ang operasyon ay resulta ng serye ng mga nakaraang anti-drug operations kamakailan sa Cavite, Bulacan, Cebu at Escalante City, Negros Occidental.

Sa kabuuan, umaabot sa 231.2 kilograms ng shabu na tinatayang nasa P1.57 bilyon ang halaga ang nasamsam sa naturang mga anti-drug operation.

Kakasuhan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa Sec. 5 &11 of Art. II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. EVELYN GARCIA