P1.1-B PANANIM SA CORDILLERA NASIRA

PANANIM

PUMALO na sa mahigit P1.1-bilyon ang halaga ng mga nasirang pananim sa Cordillera Administrative Region (CAR) dulot ng patuloy na nararanasang tagtuyot o El Niño phenomenon sa bansa.

Ayon kay Lito Mocati, senior agriculturist ng Department of Agriculture (DA)-Cordillera, sa tindi ng pinsala dahil sa sobrang init ng panahon sa kanilang lugar ay maaaring ideklara ang state of calamity sa ibang bahagi ng rehiyon.

Aniya, pangunahing naapektuhan ng tagtuyot ang mga mais, palay at high value crops sa rehiyon.

Napag-alamang pina­kamatindi ang pinsalang naitala sa Ifugao na aabot  sa P464.8 milyon, na sinundan ng Apayao sa P302.5-milyon, at Kalinga na nakapagtala ng P191.5-milyong danyos.

Batay, aniya, sa validation ng DA-Cordillera, mahigit sa 18,600 na magsasaka sa rehiyon ang apektado ng tagtuyot.

Ipinaliwanag ni Mocati na inaasahang tataas pa ang nasabing halaga, gayundin ang bilang ng mga apektadong magsasaka, dahil hindi pa nakapagbibigay ng ulat ang ibang lalawigan sa CAR.

Samantala, umabot na sa P17 milyon ang halaga ng pinsala sa agricultural products, partikular na sa palayan, ng nararanasang dry spell sa Legazpi, Albay.

Sinabi ni city agriculturist Jesus Callos na 20 porsiyento ng palay plantations ang napaulat na partially o totally damaged sa nasabing lugar.

Napag-alamang aabot naman sa 252 ektarya ang totally damaged habang 11 ektarya ang partially affected mula sa 1,300 ektarya ng rice plantations sa 18 barangay sa lungsod.

Apektado ang rice plantations ng 472 magsasaka kung saan bukod dito, apektado rin ng ma­tinding init ang 13 ektarya ng mai-san na nagkakahalaga ng P1.5 milyon, gayundun ang 13 ektarya ng gulayan sa halagang P3 milyon.

Idinagdag pa ni Callos na kanila nang hiniling kay Mayor Noel Rosal na madaliin ang pagbili ng apat na irrigation pumps na gagamitin ng mga severely affected farmer.

Nabatid na magsasagawa rin ang opisina ng inventory sa lahat ng lugar na nakararanas ng matinding init o low water level at sa-ka ire-report sa National Irrigation Administration (NIA) para sa kinakailangang aksiyon.

Pinayuhan naman ng opisyal ang mga magsasaka na alisin ang mga bagay na nakababara sa irrigation facilities para matiyak ang magandang daloy ng tubig para sa farming activities.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.