KASADO na ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.70.
Magpapatupad angCleanfuel ng kaparehong price hike maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga at Cleanfuel sa alas-4:01 ng hapon ng parehong araw.
Ito na ang ika-6 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-7 na sunod para sa diesel at kerosene.
Noong nakaraang Martes, Agosto 15, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.90, diesel ng P1.50, at kerosene ng P2.50.
Ayon sa mga eksperto, ang price hike ay dahil sa economic losses sa China bukod pa sa planong pagbabawas ng oil production ng ilan sa pinakamalalaking players.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P13.40 kada litro, diesel ng P8.60, at kerosene ng P5.14 kada litro.