PUMALO na sa P1.13-B ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ng pagbaha dulot ng matinding pag-ulang dala ng shear line sa Visayas at Mindanao.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nasa P232.7-M ang naitalang danyos sa agrikultura habang mahigit P2-M naman ang pinsala na na-monitor ng National Irrigation Administration(NIA).
Aabot sa kabuuang 4,522 na kabahayan ang nasira kung saan, 3,679 ang partially damaged at 843 naman ang totally damaged.
Sinabi pa ng NDRRMC na 21 siyudad at munisipalidad ang nagdeklara ng state of calamity, kabilang ang Llorente sa Eastern Samar; Dapitan at Polanco sa Zamboanga Del Norte; Gingoog sa Misamis Oriental; at ang buong lalawigan ng Misamis Occidental.
Naapektuhan din ng masamang panahon ang nasa 131,028 pamilya o katumbas ng 509,340 indibidwal sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, CARAGA at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
DWIZ 882