NA-INTERCEPT ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang isang shipment na naglalaman ng P1.161 milyong halaga ng ecstasy na nakatago sa loob ng heating boiler.
Ang nasabing shipment na idineklarang “Central Heating Boiler” ay nagmula sa Germany at dumating noong Disyembre 4.
Nadiskubre ang kahina-hinalang imahe sa shipment gamit ang masusing profiling at X-ray scanning ng mga inspektor mula sa BOC’s X-ray Inspection Project (XIP) at ang positibong resulta ng K-9 sniff test na nagresulta sa pagkakatuklas ng 2.05 kilong Ecstasy.
Ang joint physical examination ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office III, PNP Aviation Security Unit General Aviation, PNP Drug Enforcement Group III, NBI Pampanga at Barangay Dau officials sa Mabalacat City.
Ang operasyon ay pinangunahan ni District Collector Jairus Reyes na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention para sa kargamento dahil sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d) at Section 1113 paragraphs f, i, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at R.A. No. 9165.
RUBEN FUENTES