P1.2-B INILAAN SA EPEKTO NG BAGYO

bagyo

CAMP AGUINALDO – SIMULA kahapon ay nasa red alert status na ang lahat ng tanggapan na nasa ilalim ng Office of Civil Defense (OCD) matapos na lumawak pa ang mga lugar na posibleng tamaan ng bagyong Usman.

Ito ay matapos ang pre-disaster preparedness ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Kaugnay sa kanilang pre disaster preparedness  ay inihayag ng NDRRMC na may P1.2 billion na standby fund ang national government na maaring gamitin sa mga relief operations sa mga lugar na posibleng apektuhan ng Tropical Depression Usman.

Sa isang panayam, sinabi ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas na ang naturang pondo ay kasalukuyang nasa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nabatid na saklaw na rin ngayon ng mga malakas na pag-ulan  ang malaking bahagi ng Visaya at Luzon na makararanas ng mga pag-ulan kasunod ng pagtama ng Bagyong Usman sa Eastern Visayas na siyang dahilan  upang magdeklara ng Red Alert ang Office of Civil Defense kahapon.

Ayon sa Office of Civil Defense, base sa kanilang sinagawang pre disaster risk assessment ay nagbabala ang  Pagasa na nanganganib sa  baha at landslide ang mga nasa low lying areas ng halos buong Visayas.

Inihayag ng OCD na naka-red alert na rin ang kanilang mga local na tanggapan sa Mimaropa (Region 4B), Bicol region at Central Visayas upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na nabanggit.

Ayon kay Director Edgar Posadas  bago pa ang inaasahang pag-land fall ni Usman kagabi (Biyernes) sa Eastern Visayas, ay  nakapagsagawa na ang NDRRMC at iba pang concerned government agencies ng dalawang pre-disaster risk assessment meetings bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.

Patuloy rin aniyang naka-monitor ang kanilang mga regional offices sa 8,700 “highly susceptible and vulnerable barangays.”

Sinabi pa ng tagapagsalita, na may direktiba rin sila sa kanilang  mga opisina na tiyaking la­ging informed at ligtas na rin ang kani-kanilang mga resi­dente sa gitna ng bagyo. VERLIN RUIZ

Comments are closed.