P1.2-BILYON PARA SA FREE WI-FI

Rep-Luis-Jose-Angel-Campos-Jr

ALINSUNOD sa nakaraang State of Nation Address (SONA)ni Presiden­te Rodrigo Duterte, madaragdagan ng P1.2 bilyon ang pondo ng De­partment of Information and Com­munications Technology (DICT) para sa programang libreng ‘Wi-Fi sa pampublikong lugar sa bansa.

Ito ang masayang ibina­lita ni Makati City Rep. Luis Jose Angel Campos Jr. at sa pamamagitan  ng nasabing budget, ay target ng Duterte government na magkaroon ng 10,800 ‘password-free hotspots’ sa buong Filipinas sa pagtatapos ng 2019.

“The extra funding for the Free Internet Wi-Fi Connectivity in Public Places Project is lodged in the budget of the Department of Information and Communications Technology (DICT) in the proposed P3.757-trillion General Appropriations Act for 2019,” sabi pa ng  mambabatas.

Ani Campos, ngayong taon ay mayroon ng P2.9 bilyon na pondong ginagamit ang DICT para sa paglalagay ng mga “access point” para  makapagbigay ng libreng koneksiyon sa internet sa maraming Filipino partikular sa mga pampublikong lugar.

Sa kanyang ikatlong SONA,  inihayag  ni Duterte ang pagnanais niyang magamit ang “power of information technology” para sa paghahatid ng mabubu­ting serbisyo-publiko at sa pagpapalago ng ekonomiya.

Upang maging mahusay naman ang sektor ng telekomunikasyon, desidido rin  ang Pangulo na makapasok sa bansa ang ikatlong ‘telco player’ para tugunan ang malaking demand para sa mas mabilis at maasahang internet connections at mobile telecom service.

Sinabi ni Campos na ang pahayag na ito ng Pangulo ay malaking tulong para mapabilis ang pagpapasa ng iniakda niyang House Bill 5337, na nagsusulong na maging ‘basic telecommunication service’ ng local telco companies ang pagkakaloob  ng ‘broadband’ o ‘high-speed internet connections’ sa kani-kanilang subscribers o customers.

Dismayado ang Makati City congressman sa pagtukoy sa Filipinas bilang nanatiling mayroong pinakamabagal na ‘average internet connection speed’ sa hanay ng iba pang mga bansa sa buong Asia Pacific kung kaya kailangan umanong gumawa ng kaukulang hakbang hinggil dito ang DICT. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.