BULACAN- BINAWIAN ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Emmanuel Hospital ang chief of police ng San Miguel nang pagbabarilin ng riding in tandem na sangkot sa kasong robbery sa Brgy. San Juan nitong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na report na tinanggap ni PNP Provincial Director Col. Relly Arnedo, kinilala ang napatay na opisyal na si Lt.Col. Marlon Serna, 38-anyos, acting chief of police ng nasabing bayan.
Habang sugatan naman ang kasama nitong striker na si Jay-jay Gabriel y Dela Cruz, 17- anyos ng Brgy, Solidad Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Batay sa inisyal na imbestigasyon bandang alas-10 Sabado ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang San Miguel police station kaugnay sa nangyaring robbery incident sa Brgy San Juan, San Miguel malapit sa Barangay Buhol na Mangga.
Agad namang nagkasa ng operasyon ang pulisya sa pangunguna ni LtCol. Serna at pagsapit sa madilim na bahagi ng barangay, namataan ng mga pulis ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo.
Pero sa halip na huminto, pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis kung saan tinamaan sa ulo si Serna.
Nabatid na gamit ni Serna ang kanyang kulay itim na Ford Ranger kasama si Gabriel na tinamaan naman sa paa ng ratratin ng mga suspek.
Naisugod pa si Serna sa Emmanuel Vera Hospital pero binawian din ng buhay.
Agad na ipinag utos ni Police Regional Office 3, Regional Director, BGen. Jose Hidalgo Jr, ang isang malalimang imbestigasyon para sa kakilanlan ng mga suspek kaugnay sa ikinakasang manhunt operation sa bahagi ng Brgy Akle, San Ildefonso.
Kaugnay nito, naglaan ng P1.2 milyong reward sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga suspek na kung saan P500k mula sa DILG, P300k sa PRO3, P200k sa PNP at P200k kay Bulacan Gov. Daniel Fernando.
THONY ARCENAL