PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagdiriwang sa ika-unang anibersaryo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagkaloob ng direktang serbisyo ng gobyerno at tulong pinansyal na umabot sa P1.26 bilyon at nabiyayaan ang 253,000 katao sa Eastern Visayas.
Ayon kay Romualdez, ang nasabing okasyon ang pinakamalaking bilang ng nabiyayaan sa kasaysayan ng BPSF.
“Sobrang proud na proud kami sa programang ito ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. dahil napakarami nating naabot na kababayan natin sa malalayong probinsya. Ito naman talaga ang esensya ng Bagong Pilipinas campaign ng ating Pangulo, ang ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao,” ani Romualdez.
Nagpahayag din ng labis na kasiyahan ang lider ng mahigit 300-miyembro na Mababang Kapulungan sa pagdalo ng 242 kongresista at si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa BPSF sa Tacloban City.
Nagbiro pa si Romualdez na pwede nang mag-session dahil may quorum na ng mga kongresista na nagtiis sa init na walang ginagawa tulad ng sa aircon na Batasang Pambansa.
Kanyang ibinunyag na ang BPSF na Ito ay region-wide dahil bukod sa ginanap Ito sa Tacloban City ay mayroon ding mga mini-BPSFs na sabay-sabay sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Southern Leyte, at sa Biliran.
JUNEX DORONIO