P1.3-M DROGA NASAMSAM SA BUY BUST

RIZAL- HUMIGIT kumulang sa P1.3 milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska sa isinasagawang buy bust operation sa kahabaan ng Grand Heights Road, Brgy. San Roque, Antipolo City kamakalawa ng gabi.

Nag ugat ang operasyon dahil sa impormasyong natanggap ng operatiba ng RPDEU 4A tungkol sa nagaganap na bentahan ng iligal na droga sa nasabing lugar at mga karatig na bayan sangkot ang isang alyas “MABET.”

Agad na nagsagawa ng buy bust operasyon ang RPDEU 4A sa pangunguna ni Cpt. Juan Carlo Porciuncula base sa direktiba ni RPDEU Chief Lt Col Rodel Ban-o katuwang ang Antipolo CPS, Rizal PPO, PDEG SOU4 at PDEA 4A kung saan positibong nakabili ng isang brick ng dried marijuana sa suspek ang isang pulis na nagsilbing poseur buyer.

Agad na inaresto ang suspek na nakilalang si Maria Victoria Perito Y De Guzman alias MABET na kabilang sa listahan ng high valued individual (HVI) at residente ng Antipolo City.

Nakumpiska mula sa suspek ang tuyong dahon ng marijuana na may timbang na 11 kilos at tinatayang nagkakahalaga ng P1,320,000.00, isang Cellphone, isang Eco bag at buy bust money.

Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dadalhin sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at tamang disposition habang ang suspek ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law na nakapiit sa Antipolo Custodial Facility. ELMA MORALES