MAY bawas-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P0.70, diesel ng P1.30, at kerosene ng P1.80.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magtatapyas ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Pebrero 21, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.90, at diesel ng P1.05, habang may bawas na P0.25 kada litro sa kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang February 21, 2023, ang year-to-date net decrease ay nasa P1.10 kada litro para sa diesel at P0.50 kada litro para sa kerosene.
Para sa gasolina, ang year-to-date adjustment ay nasa net increase na P6 kada litro.