CAVITE- UMAABOT sa P1.36 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa 3 high-value target sa inilatag na drug bust operation ng mga awtoridad sa Phase 2, Soldier’s Hills Subdivision, Brgy. Molino VI, Bacoor City kamakalawa ng gabi.
Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Oliver Manato y Rovero, 30-anyos, street vendor na nakatira sa Lucena City; John Rasul Deculano y Cañalita, 21-anyos, construction worker at residente ng Christian Ville, Las Piñas at Susie Gongora y Gucon, 38-anyos, housewife na nakatira sa bayan ng Lucban, Quezon.
Sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, inilatag ang anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng RPDEU 4A, PDEU Cavite PPO, Bacoor CPS, PDEG-SOU 4A at PDEA 4A laban sa mga suspek kung saan nasakote ang mga ito.
Nasamsam sa mga suspek ang 4 transparent plastic sachet ng shabu na nasa 200 gramo at may street value na P1,360,000.00.
Bukod sa shabu, narekober ang P99K fake money na may kasamang P1K bilang marked money at 3 cellphones.
Kasalukuyang inihahanda ang mga ebidensiya para sa inquest proceeding laban sa mga suspek na pawang high-value target. MHAR BASCO