P1.4-M SHABU NASAMSAM SA 3 HVT

CAGAYAN- TATLONG high value target ng PDEA ang nadakip sa isinagawang joint anti- narcotics operation sa Maura, Aparri sa lalawigang ito.

Sa ulat na ibinahagi ng PDEA head office, kinilala ang mga nadakip sina Rolando Uri y Cruz, 52-anyos, binata, tricycle driver ng Maura, Aparri; Mila Malana y Sambolledo aka Nila, 50-anyos, biyuda at Michael Uri y Genobili, 37-anyos, may asawa, sari sari store owner ng Maura, Aparri, Cagayan.

Armado ng search warrant sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PDEA RO II Batanes PO, Aparri Police Station, Eastern Cagayan Maritime Police Station, 1st Maneuver Force Platoon, 2nd Cagayan Provincial Maneuver Force Company, 2O3RD MC, RMFB2, at PIU-PDEU, CPPO ang nadiskubreng pinaglulunggaan ng mga suspek kamakalawa ng umaga.

Ang nasabing Search Warrant Nos. 84-22 at 85-22 na may kaukulang Seizure Orders na may petsang Disyembre 28, 2022 ay inilabas ng RTC, Aparri, Cagayan laban sa dalawang suspek para sa paglabag sa RA 9165 at RA 10591.

Nasamsam sa anti-drug operation ang 60 pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may kabuuang timbang na na umaabot sa 208 gramo na may market value na P1,400,000.00; isang pirasong transparent plastic sachet (ziplock) na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may mga fruiting top na tumitimbang ng MOL 90 gramo na may market value na P10,000.00; samu’t saring drug paraphernalia; at isang unit na cal 38 revolver na may kasamang dalawang piraso ng live ammunition.

Ang imbentaryo, pagmamarka at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensiya ay isinagawa sa lugar ng operasyon sa harapan ng mga suspek at sinaksihan ng mga barangay officials at kinatawan ng DOJ.

Nakakulong sa Aparri Police Station ang mga naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591. VERLIN RUIZ