P1.5-B IPOPONDO NG NIA SA 71 SOLAR IRRIGATION PROJECTS

WALA nabg gagastusin pa sa pagpapatubig ang mga magsasaka sa Bicol dahil sa pagpapagawa ng mga karagdagang solar irrigation project sa rehiyon.

Ito ay matapos na ilatag ng National Irrigation Administration (NIA) Bicol kay Ako Bicol Party-List Rep. at House Committee on Appropriations chair, Elizaldy Co ang P1.5-B solar irrigation projects (SIP) na nakatakdang mabenepisyuhan ang nasa 4,560 magsasaka sa apat na probinsya sa Bicol.

Sa isinagawang pagpupulong, 71 karagdagang project sites ang planong itayo na may sakop na kabuuang 1,810 ektarya sa mga probinsya ng Albay, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte.

Ayon kay NIA-Bicol General Manager Gaudencio de Vera, prayoridad ng proyekto ang mga sakahan na wala pang irigasyon sa lugar na nakakapagtanim lamang ng isang beses sa isang taon.

Diin ni de Vera, sakop nito ang mga palayan, maisan at iba pang taniman.

Dagdag ni de Vera, tinatayang P140 milyon ang madadagdag sa kita ng mga magsasaka taon-taon kapag nasimulan na ang operasyon ng mga solar irrigation.

Ibinahagi naman ni Rep. Co na bahagi ito ng adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging self-sufficient ang bansa sa bigas sa ilalim ng Food Legacy Project.

Kaya naman tiniyak niya ang sapat na pondo para sa pagpapatayo ng mga solar irrigation project sa Bicol.

Aniya, kinakailangan ang pagdevelop ng mga irigasyon sa mga lupang sakahan upang masuportahan ang pagpapataas ng produksyon ng mga agricultural products.

Samantala, target ngayon ng NIA Bicol ang 60% ng 71 solar irrigation project sites na makumpleto sa pagtatapos ng 2024.
RUBEN FUENTES