LAGUNA – NAARESTO ang tatlong suspek at nakumpiska ang tinatayang P1.5 milyon halaga ng shabu sa isang anti-drug operation na isinagawa ng City Drug Enforcement Unit ng Cabuyao City Police Station (CCPS) nitong Disyembre 27 ng gabi sa Barangay Casile, Cabuyao City sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Elmo,” 47-anyos, alyas “Precy,” 53-anyos at alyas “Nick”, 27-anyos na pawang residente sa lugar.
Ayon sa ulat, nakuha mula sa kanilang pag-iingat ang 230 gramo ng illegal drugs na nakalagay sa mga heat-sealed sachet at knot-tied plastic bags, isang motorsiklo, marked money at iba pang drug paraphernalias.
“Pinupuri ko ang Cabuyao City Police Station at ang iba pang ahensya na tumulong sa operasyon na ito. Ang pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakakumpiska ng malaking halaga ng shabu ay patunay ng ating dedikasyon para sa isang drug-free Calabarzon” ani BGen. Kenneth Lucas.
Siniguro rin ng mga awtoridad na sinunod ang mga legal na proseso sa operasyon kabilang ang paggamit ng Body-Worn Cameras (BWC) upang masiguro ang transparency at accountability.
RUBEN FUENTES